ISSUE

05

OCTOBER 2015

mula sa Melismas

Marlon Hacla

Katawan na itong pinuno ng mga bangungot
pinugaran ng mga dumagat, namumukol
ng mga solidong kabughawan, kung maihihingi
lang sana kita ng bagong hubog, kung kikislap
ka lang sana na parang salita.

Nasusunog na tukso sa isip. Isinusumite ang mga ibon
para gumawa ng mga bagong alamat, malamang
para sa diyos ng direksiyon, para sa diyos
ng kalungkutan, para sa mga bathala ng paghihiganti.
Para sa paglalakbay mo sa kabilang buhay,
putol-putol na awit. Elektrisidad para maperpekto
ang pakikiramdam sa mga boses ng Nobyembreng ito, dahil
ngayong buwan, nakatakda ang pagtatagpo ng mga tinawag
upang ipaliwanag ang kanilang daing.
Dadamitan kita kung maabutan kita riyang
walang imik. Hindi mo na kakailanganin ng liwanag
dahil magdadala ako ng mga bagay na mas marikit.

Sa lahat ng dako, mga pinukaw na lilim,
mga batong nagsasalita ng mga bato.
Mula sa likuran, nananagpang ang tubig.
Ikinakalat ng langit ang kanyang sarili,
marahang nagbabanggaan ang mga ibon,
gumagawa ng salamin ang mga bituin.
Sa mga bintana, pinapanood ng mga bata
ang pagkukunwari ng gabi, bitak-bitak man
ang mga paliwanag kung para saan ito
nagpapatuloy, o kung sa pagdagsa ba
ng mga luminaryo sa bayan, yayabong
ba tayo at tatatag upang maging testigo
sa pagbabagong-isip na ito ng daigdig.
Samantala, hindi kalayuan, piniperpekto
ang bigat ng hangin upang gumawa
ng mga pinsala at isang bagong himig.

Dahil binigyan ako ng asing-gamot, mga bagay
na naghihilom, susuong ako sa pagkahinog
ng linggo para sa iyo. Sisipol ng mga lakas
na mapag-isa ngunit sapat upang sagipin
ang paligid mula sa paglilibing ng sarili
nitong disenyo. Wala ka nang pakinabang
sa akin ngunit sa tuwing binibitawan ko
ang listahan ng iyong mga kabuluhan,
pumupusyaw ang palayan, biglang inililipad
ang mga kumot sa lahat ng antas ng kaitaasan.

Nakita namin ang pangakong pinag-ugatan
ng aming pagkabusilak: matinding galit,
damit, bulak, ilang maliliit na dagat.
Ito ba ay saklaw ng iyong pahiwatig?
Dahil sa magagarbo naming palabas,
may naganap na pagbabanta sa aming perspektibo:
ikinulong kami sa mga bakanteng parte ng abot-tanaw.
Sinimulan namin ang paghihiwalay sa mga pasahero,
nilinlang ang kalaban gamit ang isa pang
kalaban. Gumaspang nang gumaspang ang pakikipag-
mabutihan namin sa nagbabantay ng imbakan ng mga bagay
na makapagbabago ng anyo namin upang maging
sayaw, sulsol sa inaasahan naming pahinga,
isang petisyon, komento sa mga bagong galaw
na ipagkakaloob sa amin nang walang hanggan.
Inilagay namin ang mga pimpinan sa ilalim
ng dagat na parang mayroon kaming nilulunod,
lumakad kami sa dagitab ng isang banal
na takot, umikot-ikot na tila naghihingalo
para sa alarma. Mula sa isang matandang lugar,
umusbong ang mga karanasang pinagtatahi
nang walang respeto sa mga duluhan
ng mga unang bagay na nilikha.
Mga kandadong isinalin sa musika.
Nilalabag na ng lahat ng bagay
ang kanilang kalikasan, nagsulputan
ang mga kasalan sa bawat bayan.
Ang bawat ugnayan, dulot na lamang
ng desperasyon. Araw-araw, nagsasanay
kami ng pagdarasal. Hindi kailanman
nauubusan ng papuri ang katapusan.

O ang makagat ng isang karunungang
panlipunan. Pagsigaw na para bang
ito ang likas naming katangian.
Nagbabatuhan kami ng malilit na bloke
ng unan. Sa mga kisame, mga ngipin,
kuko, matatamis na liham, mga pamagat
ng pagdurusang inaamin kong hinarap
ko nang may kaduwagan, ginugol
sa paghahagis ng mga silya sa balkonahe,
sa pagguhit ng mga ruta sa mga mapa
hanggang lumabas ang hugis
ng sarili naming mukha. Mga isinalansang
kawayan para sa papag at mga tubo
ng ilawang ipadadala sa hilagang bahagi
ng bayan dahil nagtubuan ngayon doon
ang mga sampaguita, at may mga bulung-bulungan
na nag-uurong-sulong ang panahon, nagpapangkat-
pangkat ang mga araw at mga gabi upang gumawa
ng bagong dilim, dilim na may maninipis
na guhit ng dilaw sa tanaw, mga hilera ng dilim
na nanlilito, pare-pareho ang haba, sumusuot
sa mga silid-tulugan upang magsingit ng bagong
kapaguran sa mga sulok at manganak ng punit-
punit na diwa paglaon. Nasaan ka ngayong
nilalamon kami ng ligaya maghapon?

Walang tigil na paglakad tungo sa walang
hanggan. Salamangka at pamamaalam,
kung musika ito ng sarili kong kamatayan,
sibakin ang mga byola, buksan ang sisidlan
ng mga sable, bilugin ang isang liwanag
upang sa kalakihan nito’y dakilain ito
ng mga tunog. Kaluskos sa atipan, nagniningas
na pawid, ipinagpalibang pagtatalik, bestidang
nilulukot ang laylayan at hinahaplos
ng ibang palad pagkatapos. Nagbibigay
ng panayam ang mga ibon sa hangin.
At dahil sensitibo ngayon ang paligid
sa mga panloloob ng ligaya, nagpuputukan
ang mga bulaklak bilang desperasyon
tungo sa pag-iibang anyo. Kasalanan
at kasalanan at kasalanan at purpurang
de kuryente at dilimang solidago. Barandilyang
nabubuhay kapag hinihipo. Pitong katahimikang
ang pagkakakilanlan ay nasa paggalaw
ng mga pagdurusang hindi pa namin inuusisa,
isa nang teritoryo ng isang mas malawak
na hanay ng pakiramdam. Mahal, madali
na akong mawala. Hindi na ako ito.

Pakihawi ang kadiliman, sa gitna ng pangangarap
at paggising, nagbabagsakan ang mga balahibo
ng sindak sa aking dalanginan. Ang aming kapalaran
ay nasa dalawang pag-iisip, nilalayong harapin
ang kabughawan ng mga kulungang ito.
Kombinasyon ng mga kanta para sa kasiyahan
sa mga kabahayan, maliliit na laruan, mahahabang
palatandaan sa kalangitan. Mga magigiliw na panauhin,
mga kaibigan, kahanga-hanga ngayon ang paglago
ng kakahuyan. Magsuot kayo ng maniningning
na kababalaghan. Magdala ng mabibigat na iyak.
Ngayon ang paligsahan ng mga hamak nating
lakas. Puno ng pagkagutom ang mga pasilidad
para sa mga himala ngunit huwag kang bumigkas
ng mga salita nang walang paghahanda, balisa man
ang mga mata mo sa bangungot, umabot man sa antas
ng mga bulag ang iyong pakiramdam. Mahal,
pahintulutan mong haplusin ko ang iyong mga binti,
ang buong magdamag ay walang laman.

Nakalimutan mo na may nakatuklas na
ng mga katangian ng ating pag-aalsa, mag-asawang
lungkot ng kahungkagan ang naririto,
wala nang katiyakan kung ibibilang tayo
sa mga tapat na naglingkod. Nakahilera
na ang mga bapor, nakakahon ang mga salaming
de kolor para sa pagbabago ng liwanag sa kabilang
ibayo. Kung anuman ang wika sa bahaging
iyon, agad kong isasalin doon ang iyong pagsuyo.

Sabay-sabay na nangyayari ang mga pang-aakit
sa pagkalunod. Pamilyar ang mga lumitaw
na dalampasigan. May hinalang
nagtatago ng mga patibong ang mga alon.
Ngunit kay payapa ng tubig. Pinilakan
sa pakiramdam ang simoy ng hangin.

OTHER WORKS IN THIS ISSUE